Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pagbibiyahe sa Maynila

Ang Maynila ang pinakamatandang lungsod sa kabisera. Kaya napakaliit na ng pagkakataon para paluwagin ang mga lansangan o baguhin ang mga bloke nito. Dumating na ito sa punto na hindi na nito masasabayan kailanman ang paglago ng bilang ng mga sasakyan sa pagdaan ng panahon.

At ito rin ang nasa pinaka-kanluran. Na pinakamalayo sa isang taong tulad ko na nakatira sa silangan (kakatuwa, ang mismong pangalan ng aming barangay ay: Silangan).

Ano, at saan? Lakad? Pribadong sasakyan? Tren? Motor o van? 


Ang totoo, walang iisang solusyon sa napakasalimuot na problema ng transportasyon sa Maynila. Kadalasan nang nasusumpungan ng mga namamahala ang kanilang sarili na pinaghuhugpung-hugpong ang maliliit na mga pamamaraan, umaasang magdudulot ng pangmalakihang kaginhawahan. Pero madalas na hindi rin naman nagtatagal ang mga bunga nito, kung mayroon man.

Kaya gayon din ang istorya ng pagbibiyahe ko patungong Maynila araw-araw. Nariyang pagsama-samahin ang magkakaibang mga pamamaraan. Una, magmaneho mula sa bahay at pumarada kung saan. Pagkatapos, magmotor patungo sa sakayan ng tren. Sunod, mag-tren. At pagkatapos pa, mag-jeep. Ang totoo, madalas na iba pa ang proseso sa aking pag-uwi, depende sa araw at oras. 


Ang pagbibiyahe sa Maynila ay larawan ng buhay, sa pangkalahatan. Sa patuloy na paglago ng isang tao sa lahat ng aspekto, may mga bagay na hindi nalilinang ayon sa kagustuhan niya, pero hindi na iyon magbabago. Gaya ng mga likaw ng mga kalsadang bumabagtas sa matandang lungsod, ang mga landasin mula sa nagdaang mga panahon ay posibleng magdulot ng mahirap na mga kalagayan sa "paglalakbay" sa kasalukuyan.

Pero hindi na magbabago ang mga iyon. Sa kabilang banda, hindi naman humihinto ang buhay. Kaya ang gayong mga bagay ay hindi na dapat pagsisihan o pagsikapang balikan para mabago. Bahagi na ito ng pagkatao ng isa, na nagpapaging-ganap sa kaniyang pagkakakilanlan.

Diskarte lang. Paunti-unting usad, ika nga. Malayo man ang “destinasyon” at mahirap ang “daan”, nasa tao naman mismo ang “sasakyan” at “paraan” sa paglalakbay. ■

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.