tungkol sa walang-lamang mga pasilyo

Nag-aagaw na ang liwanag at dilim, pero nandito pa rin siya. Hindi na niya napapansin ang mga bugso ng mga nagsisilabas na mga estudyante at guro dahil sa pag-aalala sa susunod pang gawain. Hindi pa tapos ang araw niya. May naghihintay pa sa kaniya hanggang gabi.

Nagkataon namang sa gusaling La Salle nakadestino ang kaniyang mga babantayang mga pagsusulit. Ang bulwagang ito ang pinakamatanda sa kampus, na binuo bago pa ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Bagamat may mga makabagong mga pasilidad at kagamitan (gaya ng mga projector at dala-dalawang aircon units sa bawat kuwarto), makikita mong matanda na talaga ang gusali, lalo pa’t maging ang panlabas na mga dibuho nito ay hango sa neo-klasikal na mga arkitektural na disenyo.

Lalo pang nahahalata ang katandaan ngayong takipsilim at halos wala nang tao. Itong mga ganitong eksena ang kadalasan nang nakikita sa mga pelikulang horror o thriller. Nabanggit kanina ang digmaan: bahagi ng kasaysayan ng gusaling ito ang marahas na pagpaslang sa mga opisyal ng paaralan na ginawa ng mga Hapones noong giyera. Para sa marami, nakakadagdag pa nga ito ng paninindig ng balahibo kapag ganitong oras at sa ganitong kalagayan.

Hayun. Mag-isa siya ngayon sa walang-lamang mga pasilyong ito. 


Pero hindi siya takot. Ang totoo, hindi naman siya naniniwala sa mga kababalaghan kaya hindi naman siya apektado ng mga patay. Sigurado din naman siyang wala siyang katatakutang mga buhay, dahil mahigpit naman ang seguridad ng kampus. At sa pagkakaalam niya, wala (pa?) namang estudyanteng naghahangad na mapatay siya.

Ang totoo, ang tahimik na ganda ng mga lumang pasilyo ang gumising sa kanya mula sa kaniyang kalagayan. Wala ngang espiritung gumagala, pero daig pa niya ang isang walang-buhay na kinapal sa pagpaparoo’t parito nang halos hindi na naiisip ang kaniyang mga pinupuntahan dahil sa sobrang pagkaabala. Wala nang aktibidad sa mga lumang pasilyo ng La Salle, pero daig pa ng isipan niya ang maingay at siksikang trapiko sa Taft Avenue sa labas dahil sa dami ng gawaing nagsisiksikan.

Napahinto siya para kunan ng larawan ang eksenang iyon. Napamulat siya, nabuhay nang sandali mula sa kaniyang mala-robot na buhay.

Sinipat niya ang mga arko at mga disenyong Ionian ng mga poste at biga. Ang hanay ng mga kuwarto, ang pagkakasalansan maging ng mga basurahan, ang ayos ng mga tisa. Habang sinisipat ng mga sinag ng papalubog na araw ang mga hubad na pasilyo, nakadama siya ng panloob na katahimikan, at, kakaiba mang pakinggan, kalayaan.

Nabuhay kaya sa isipan niya ang mga istoryang naipon ng mga silid at balkonahe sa loob ng mga taong lumipas? Nakalimutan kaya niya sandali ang pagkaabala ng buhay ngayon, at wari bang naglakbay sa nakaraan? Marahil; ang totoo, maging siya mismo ay hindi sigurado kung ano ba ang dahilan.

Basta, tangan ang mga papel mula sa nakaraang exam, napangiti siya habang binabaybay ang daang papunta sa mga hagdanan. May dalang ritmo ang tunog ng kaniyang mga sapatos sa kaniyang paghakbang.

“Next one.” Oo, hindi pa tapos ang araw niya, pero handa na siya sa mga susunod na kaganapan. ■

Mga Komento

Kilalang Mga Post