tungkol sa Maynila

Ang matandang kabiserang lunsod, waring gaya rin ng isang tao, ay naghihingalo sa mga sakit na dulot ng katandaan at matagal na kapabayaan. 


Pero may ganda ang Maynila, isang kariktang hindi maikakaila. Gaya rin sa isang matandang babae, na sa kabila ng mga kulubot ay mababakas pa rin ang kagandahang namalas noong kaniyang kabataan. Sa bahaging ito ng Asya nagsanib ang mga impluwensiyang kultural mula sa mga Kastila, Amerikano, Tsino, Pilipino, at iba pa. Bagamat natabunan na ng mga istrakturang moderno, o kaya nama'y impormal, mababakas ang angking karilagan ng Maynila kapag sinisid ang pusod ng kagubatan ng siyudad. Noong kaniyang kabataan, tiyak na maihahanay ang lunsod ng Maynila sa baybayin ng Pasig sa iba pang mga dakilang lunsod sa tabi ng kani-kanilang mga ilog.



Ano ang nangyari? Kapabayaan. Sanay na yata tayo na mapag-iwanan ng pamana, pero hindi ito maingatan.

Samantala, sa nakalipas na mga buwan, may bagong sigla na biglang naramdaman sa lunsod, isang puwersang matagal nang inakalang patay ng mga tao, kahit pa ang mga pinaka-optimistiko. Hayun, nararamdaman ito sa bawat nalilinis na kalsada o baybaying-dagat, sa bawat nalilinis na monumento at parke, sa bawat ginigibang istraktura at nagpupulong na mga tao sa barangay.



Dito na siguro nagtatapos ang pagkakatulad ng Maynila sa isang nakatatandang tao. Dahil habang ang isang tao ay hindi malalabanan ang epekto ng mga taon, ang isang siyudad ay pwedeng magpanibagong-buhay. ■

Mga Komento

Kilalang Mga Post