tungkol sa kape

Ibinuhos ko na ang laman ng 3-in-1 sa mug. Pero hindi ko pa siya naihalo, abala sa paghahanda. Gayon naman ang madalas na nangyayari tuwing madaling-araw. 


Kaya matiyaga itong naghintay, itong kape, tahimik na pinanonood ang bawat kibot at hakbang ko. Kung makapagsasalita lang siya, siguro ay kanina pa siya tumikhim, umimik: "Uhm, boss, parang may nakakalimutan ka yata... medyo malamig na ang tubig ko..." Kung may kamay at paa siya, baka lumukso na siya mula sa mesa at nakitulong sa pagsisilid ng mga kaliit-liitang bagay sa bag ko. 

Ang kape ay panggising, nakakabuhay. Pero, gaya ng alam ng kape kong ito, wala itong saysay kung hindi ito iinumin. 

Mayamaya, matapos makapagmedyas, naalala ko ang ngayo'y halos maligamgam ko nang kape. Hinalo ko ito nang kaunti (halos natunaw na rin kasi ito nang kusa) at saka tinungga. Mukhang epektibo naman ito, nagising naman ang diwa ko ngayong alas-kuwatro ng umaga, kahit pa hindi na ito nakapapaso. 

Sa paglapag ng baso sa mesa, ang ngayo'y halos-ubos-nang kape ay waring nangusap. Hindi, hindi na niya kailangang magsalita. Pero malinaw ang punto. 

Kailangan ng aksiyon. Kailangan ng pagkilos. Maaaring makatakas mula sa nakaaantok at paulit-ulit na rutina. Maaaring mapalitan ang walang-buhay na araw-araw. Maaaring magising. Oo, maaaring mabuhay. 

Kailangan lang itong ipasiya. At gawin. 

Mga Komento

Kilalang Mga Post