tungkol sa pagiging di-tiyak ng petsa ng kamatayan
May mga bagay na napipili ang petsa at naipaplano. Halos lahat ng mga gawain sa bahay at sa trabaho ay pwede naman talagang ilista, idokumento, at lagyan ng panahon kung kailan dapat gawin at tapusin. Ang totoo, dahil napakaabala ng mundo, madalas na hindi lang pwede kundi kailangan ang angkop na pagsasaayos at pagpaplano.
Pero hindi lahat ng bagay ay gayon. Ang kamatayan, halimbawa, ay hindi naitatakda bagamat maaaring sumapit sa isa sa anumang panahon. Ang isang tao ay hindi gaya ng pakete ng pagkain, anupat hindi ipinanganganak na may nakamarkang "Expiration Date" sa talampakan. Kahit pa may paniniwala ang iba [ako mismo ay hindi naniniwala rito] na may "oras" ang bawat isa, at "kung oras mo na, oras mo na," hindi pa rin nila alam kung kailan ito eksaktong darating.
Dahil diyan, ang kamatayan ay hindi mapaghahandaan. Ang pagkamatay ng isang tao ay mapait para sa mga maiiwanan niya, kahit pa nga doon sa mga kaso ng mga terminally ill at talagang malapit nang magwakas ang buhay. Kaya gayon na lang din ang hapdi na dulot ng mga pagkawala nang biglaan at hindi inaasahan.
Bagamat madalas na naitatampok ang kawalan na dulot ng kamatayan sa mga maiiwan, ang pagiging di-tiyak ng kamatayan ay may epekto rin sa tao mismo.
Ang mga tao ay nasanay na bigyan ng pantanging kahalagahan ang mga pagtatapos. Sa mga graduation, retirement party, o despidida, ang pinakatampok na bahagi ay kadalasan nang ang mensahe mula sa magtatapos o aalis. Ang mensahe ay bilang pasasalamat sa mga taong naging bahagi ng bagay na iyon.
Ang kamatayan ay isa ring pagtatapos - ang totoo, sa pinakasukdulang diwa. Pero hindi gaya ng isang despidida o retirement party, kadalasan nang hindi magkakaroon ng isang mahabang pahayag ang taong "magtatapos." Hindi, kundi isang malalim, mabigat na huling hininga na maaaring may kaakibat pa nga na mga luha sa mata.
Ang gayong estado ng kamatayan, bagamat nakalulungkot, ay may positibong resulta kung talagang pinili nating tanggapin ang katotohanang ito.
Dahil di-tiyak ang pagkawala ng isang tao, ngayon pa lang ay pahalagahan na natin siya. Huwag na nating sayangin pa ang oras, habang nalalamang ang kamatayan ay laging nag-aabang sa tabi-tabi. Hanggat kaya natin, huwag nating isipin na nakasanayan na natin ang isang indibiduwal kaya hindi na siya mahalaga. Sa halip, gamitin ang bawat pagkakataon para ipakita ang pagmamahal at pagpapahalaga.
Sa kabilang banda, lagi din nating ipakita ang pagpapasalamat, sa lahat. Gamitin ang bawat pagkakataon para ipakita ang pagpapahalaga sa iba. Hindi tayo makakapag-speech kung mawala tayo, kaya dapat na ngayon pa lang ay malinaw na sa kanila ang pagpapahalaga natin. ■
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento