Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa lakas at katatagan

Madalas gamitin ang mga isport na sprint at marathon para ilarawan ang pagkakaiba ng lakas (strength) at katatagan (endurance). Ang lakas ay kitang-kita sa sprint: sa maikling distansya, sa pinakamaikling oras, kailangang maunahan mo ang iba kaya ibubuhos mo na sa isang bagsakan ang lakas mo. Sa kabilang banda, mailalarawan naman ang katatagan sa marathon: napakalayo ng distansya, kaya kailangang makatagal ang manlalaro sa kabila ng mahihirap na kalagayan.

Ang totoo, ang buhay ay madalas ding inilalarawan bilang isang takbuhan. Totoo, may mga pagkakataon na kailangang huwag palampasin ang pagkakataon, kung kaya’t kinakailangang magmadali, gaya sa isang sprint; pero sa pangkalahatan, ang buong takbuhin ng buhay ng tao ay mas angkop na maihahambing sa isang pangmalayuang marathon. 


Pero kung ako ang tatanungin, kung minsan, hindi sapat ang paghahambing sa isang marathon para lubusang makuha ang buong larawan ng buhay. Dahil ang buhay ay hindi lamang ang patuloy na pagdaig sa sarili; sangkot din dito ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa iba.

Nakalulungkot, sangkot din sa kaugnayan natin sa iba ang tunggalian. Mahilig ang mga tao sa pagkukumpara ng sarili sa iba, at sa panunukat sa sarili batay sa paghahambing sa nagagawa ng kapuwa. At dahil lagi tayong may mahahanap na mas nakahihigit sa atin sa isa o marami pang aspekto ng buhay, maraming tao ang nadadala ng negatibong emosyon dahil dito. Umaabot pa nga ito sa aktuwal na pakikipagtunggali sa iba, na para bang ang kawalan ng iba ay nakadaragdag sa halaga nila.

Sa ganitong mga pagkakataon, pwede pa rin tayong humiram ng paglalarawan sa daigdig ng isports. Baka pwede rin namang gamitin ang boksing.

Gaya ng boksing, may mga taong patuloy ang pagbibitaw ng mga mabibigat na suntok sa iyong direksiyon sa pana-panahon. Ginagamit nila ang kanilang buong lakas sa bawat pagbayo, sa pag-asang mapapatumba ka. Pero hindi mo naman utang sa kanila ang lahat ng mga bagay na nasa iyo. Mas gugustuhin mo bang manaig ang kanilang personal na pagkadama ng kakulangan at isapanganib naman ang mismong kinabukasan mo? 

Kaya ang panlaban mo sa ganitong mga sitwasyon: katatagan. Saluhin mo man ang bawat banat ng mga kamao nila, huwag ka lang tutumba. Mahirap, baka matagal, pero sulit naman ang lahat ng pagsisikap mo. Manatili kang nakatayo, naghihintay, nagtitiis.

At, kapag naubos na ang kanilang lakas para sa depensa, saka mo gamitin naman ang sa iyo. Sa isang mabigat na suntok, sa panahon at lokasyong tamang-tama para dito, tutumba rin sila.





Sa madaling-salita, huwag nang ubusin ang lakas sa mga hindi naman karapat-dapat. Maging matatag, ipunin ang lakas para sa sarili, at darating ang panahong magtatagumpay ka.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.