tungkol sa kilig



Ang salitang Filipino na "kilig" ay sinasabing walang katumbas sa ibang wika, pangunahin na sa Ingles. Siguro ang pinakamalapit nang paglalarawan dito ay "the giddy, happy feeling in your heart when you interact with someone you are pining for." Ang haba! Pero kulang pa rin sa kahulugan at mahikang dala ng "kilig" gaya ng alam ng mga Pilipino na syang nag-imbento ng salitang ito. Oo, parang makatuwiran naman ang obserbasyon ng isang kaibigan nang mabanggit ko sa kanya ang paksang ito noon: "Malalandi lang talaga tayong mga Pinoy." 😂



Pero may isa pang hiwagang dala ang salitang "kilig" na nagpapaiba sa kanya mula sa iba pang salitang naglalarawan ng damdamin. Ang kilig ay dapat munang maranasan bago lubusang maunawaan. Totoo, ganoon din naman ang ibang pakiramdam; pero mas madalas naman tayong makaramdam ng "gutom" at "uhaw" o "pagod" at baka pa nga "pag-aalala" at "takot" kaya halos bahagi na ito ng ating pagkatao.

Hindi gayon ang kilig. Baka una natin itong madarama para sa iba: marahil ay para sa kaibigang may napakaganda at di-kapani-paniwalang kuwento ng pag-ibig, o, kung minsan, baka sa isang karakter sa aklat o panoorin na unti-unting napapanaigan ng pagmamahal.

Pero ang tunay at mas malalim na kilig ay isa na hindi mo namamalayan ay dumarating. Naroon iyon, sa kapuwa ninyo pamumula ng taong iyon kapag inaasar kayo ng iba. Doon iyon sa mga maliliit na bagay, mga ngiti, mga tapik o akbay. Ang tunay na kilig, kapag nariyan na, ay hindi maipaliwanag; saka mo na lang ito mamamalayan kapag nangawit na ang panga mo sa pagngiti at ang puso mo sa paglundag.

Mga Komento

Kilalang Mga Post