tungkol sa natatanging ganda ng lunsod
Upang makapagpahinga at makaiwas sa traffic ang buntis kong asawa, ipinasiya naming manuluyan sa isang hotel sa araw ng Lunes, ika-28 ng Disyembre, para hindi na kami bibiyahe mula sa mga kabundukan ng San Mateo pababa sa Bonifacio Global City sa dalawang huling araw ng trabaho. Tumuloy kami mga ilang bloke lang mula sa gusali ng kanilang opisina.
Kaninang umaga, matapos ang almusal, inihatid ko na si Steph sa trabaho. Ang ilang blokeng lakarin ay tumagal rin dahil, habang bitbit ang camera sa isang kamay, humihintu-hinto kami sa pana-panahon para kunan ng larawan ang magagandang eksena sa gitna ng kalunsuran.
Matagal ko nang iniuugnay ang siyudad sa sikip, dumi, at gulo. Nitong nagdaang mga linggo, talagang kitang-kita ang kalbaryo ng mga taong kailangang tunguhin araw-araw ang magulong mga lunsod: siksikang daloy ng trapiko na nagdudulot ng pagkawala ng mahalagang oras; maruruming lansangan, katubigan, at hangin; at di magkamayaw na mga taong nagkakaniya-kaniyang paraan upang makausad at makauna. Si Steph mismo ay pagod sa ganitong mga tagpo, na nararanasan niya araw-araw. Ang totoo, priyoridad pa nga siya sa mga pila, pero nahihirapan pa rin siya; paano na lang kung hindi.
Pero kaninang umaga, sa paglalakad sa maluwag na mga kalye mula sa malapit na hotel patungo sa kabilang bloke, mapapahanga ka nga rin naman sa buhay-lunsod. Nariyan ang pagiging kombinyente: nasa paligid mo lang ang lahat ng kailangan mo, 24 na oras, pitong araw linggu-linggo. Kung malapit nga naman sa opisina ang tirahan mo, maglalakad ka lang araw-araw papunta rito; matitipid mo ang oras na magagamit mo pa sa pagpapahinga o iba pang mas kapaki-pakinabang na gawain. At, totoo naman, may panghalina rin sa mata ang nagtataasang mga gusali, ang naka-landscape na mga hardin, at ang mga establisyamentong may kani-kaniyang hugis, kulay, at ilaw.
May natatanging ganda rin naman ang lunsod. Hindi lang ito madaling makita; natatabunan ito ng napakaraming mga pang-abala na pumipigil sa isang taong laging nagmamadali. Pero kung hindi ka naman nagmamadali, tulad ko, masarap ding magbigay-panahon sa isang mabilis na paghinto at pagninilay-nilay, o pagkuha pa nga ng larawan.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento