tungkol sa ilaw sa dagat

Lahat sila'y nalulungkot para sa kaniya.



Ang mga poste, naku, lalo na ang mga poste. Matagal na silang nagdadala ng kung anu-ano - hindi lang mga lamparang tulad niya kundi mga kable ng kuryente, mga patalastas at paskil, o kahit pa nga mga sampayan ng damit - kaya alam nilang nakakaawa ang kaniyang kaso.

"Wala man lang katulong. Mabuti kung sa lupa, may ilaw na rin ang mga bahay kaya kahit pano'y may kasama sa pagpapa-liwanag."

"Para namang walang saysay iyon. Hindi siya mapapakinabangan ng mga tao, di gaya ng mga katulad niyang sa kalsada ikinabit. Hindi rin naman siya mapapakinabangan ng mga barko dahil ang lapit niya sa pampang."

Maging ang sarili niyang posteng tuntungan ay may nasabi. "Wala man lang kasamang tulad niya habang nagbabantay sa malawak na dilim (mabuti pa ako, kahit pano'y meron, kailangan ko lang sigawan dahil sa layo). Sayang, maliwanag pa naman."

Mabuti na lang at hindi niya naiintindihan ang wika ng mga poste.

Ang totoo, mula nang mamulat siya sa pinakaunang daloy ng kuryente sa kaniyang kayarian, ito naman na ang dinatnan niya. Manghang-mangha siya nang unang mamalas ang dilim sa kaniyang harapan. Sa pana-panahon ay napapabaling din siya sa dalampasigan, nagugulantang sa ingay ng mga turistang dumaraan (na karamihan, hindi niya alam, ay mga lasing na pauwi). Ang laking pagkakaiba sa malamig at mapayapang mundo niya sa gitna ng dagat!

Kaya sa kaniya, ang lupa ay isang maingay, magulong daigdig. Kabaligtaran ng mga magkakabarkadang ilaw sa mga kalsada na sabik na sabik sa aktibidad at inaantok kapag wala nang tao, hinahanap-hanap niya ang katahimikan at napapailing kapag may gumambala nito.

Buong buhay niya, wala pang nakapagsabi sa kaniya na ang layunin ng isang lampara ay para magpailaw, sa kapakinabangan ng mga tao.

O gayon nga ba? Siguro, kung may magsabi man nito sa kaniya (halimbawa, kung kausapin siya ng kaniyang tuntungang poste sa kaniyang lengguwahe), magugulat pa siya at magugulumihanan. Paano magiging isang makabuluhang buhay ang isa na nakadepende sa iba? Sino ngayon ang alipin, at sino ang malaya?

Kung may magsabi man nito sa kaniya, siya pa siguro ang malulungkot para sa lahat sa kanila. •

Mga Komento

Kilalang Mga Post