tungkol sa Berlin Wall

Kamakailan lang, nagkaroon ako ng pagkakataon na bumisita sa Potsdam na kanugnog ng Berlin. Napakasarap makapagsalita muli ng Tagalog matapos ang matagal na pakikipag-usap sa Ingles o sa putul-putol na Aleman. Ang mga bagong Pinoy na kakilala ang siyang naging tour guides ko sa paglilibot sa tanyag na kabisera. At ang unang destinasyon? Siyempre pa, ang Berlin Wall.





*****

Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sinakop ng mga nagwaging Alyado ang nagaping Alemanya. Ang problema, dahil sa magkaibang ideolohiya ng mga magkaka-alyado -- ang mga kapitalistang Estados Unidos, Gran Britanya, at Pransiya sa isang banda, at ang mga sosyalistang Ruso naman sa kabila -- kinailangang hatiin ang Alemanya sa dalawang magkaibang administrasyon. Ang kanlurang bahagi -- na mas malapit sa Pransiya at Gran Britanya -- ay naging Federal Republic of Germany (FRG), o mas kilala bilang West Germany. Ang silangang bahagi naman -- na mas malapit sa mga sosyalistang republikang naimpluwensiyahan ng noo'y USSR -- ay naging German Democratic Republic (GDR), o East Germany.

Ang Berlin ay nasa teritoryo ng Silangang Alemanya. Pero, bilang kabisera, kinailangan din itong paghatian, at ang partisyon ay gaya rin sa nangyari sa buong bansa -- ang kanluraning bahagi ay naging kabisera ng FRG, at ang silanganin naman sa GDR.

Dahil sa pagkakaiba ng ideolohiya, na siyang kumokontrol sa mga polisiyang pang-ekonomiya, nagkaroon ng malaking pagkakaiba ang antas ng pamumuhay sa pagitan ng Kanluran at Silangan. Lalo itong naging isyu sa Berlin, kung saan maraming mga residente mula sa GDR ang tumatawid patungo sa Kanlurang Berlin upang "makatakas" tungo sa Kanlurang Alemanya o sa ibang bansa sa pangkalahatan. Upang maibsan ang mga pagtiwalag na ito, itinayo ang Pader noong huling bahagi ng 1961.

*****


Buong akala ko noong una ay na ang pader ay isang diretsong panghati lamang sa Berlin, isang marka ng boundary ng silanganin at kanluraning mga bahagi ng lunsod.

Noon ko lang nalaman na ang pader ay pumalibot sa buong Kanlurang Berlin.


Ang Berlin Wall na pumapaligid sa West Berlin.
Larawan mula sa Wikimedia Commons.

Ayon kay Weng (ang kasama ko sa litrato sa itaas), ang pamilya ng kaniyang asawang Aleman ay nakatira sa noo'y naging Kanlurang Berlin. Ang sabi nila, ang pagharang ay naganap lamang sa isang magdamag; nagising na lang ang mga tao na napapaligiran na ng barbed wire at mga sundalo ang mga hangganan ng Kanlurang Alemanya. Hindi iilan ang mga istorya ng mga pamilyang napaghiwalay sa loob lamang ng isang magdamag. Nang maglaon, itinayo na rin ang kongkretong istraktura upang lalo pang limitahan ang pagtungo ng mga taga-silangan sa kanluran.

*****

Bandang huli, sa paghina ng GDR, nagsimula ang mga kilos protesta upang magkaroon ng mas malayang paglalakbay sa pagitan ng Silangan at Kanlurang Berlin.

Ayon kay Tita Ria, isa pang Pinay na may asawang Aleman na nakilala ko sa Potsdam, isang makasaysayang araw iyon nang pumayag ang GDR na malayang makapamasyal ang kanilang mga mamamayan tungo sa kabilang ibayo. Ayon sa isang kuwento mula sa kaniyang kakilala, isang mag-asawa ang "lumuwas" patungo sa kanilang mga kaibigan sa Kanluran. Manghang-mangha sila sa mga istraktura at mga bagay na hindi nila nakita sa ilalim ng sosyalistang rehimen. Kahit pa pagod at gutom, takot silang magyaya na kumain sa mga restawran, dahil wala silang pera! Nang may magyaya na nga, hindi nila alam ang gagawin; ni hindi nila alam kung paano kumain sa isang buffet! Bandang huli, ang sabik na mga kaibigan nilang taga-Kanluran ang sumagot sa lahat ng gastos. Kahit pa kinailangan nilang bumalik sa Silangan nang gabi ring iyon, tiyak na hindi nila nalimutan ang pantanging karanasang ito.

Hindi na niya kailangang pangalanan pa kung sino ang mag-asawang iyon. Ang totoo, sigurado akong marami pang iba pang mga mag-asawa, mga pamilya, ang nagkaroon ng katulad na mga karanasan.

*****

Noong huling bahagi ng 1989, "bumagsak" ang Berlin Wall.

Bagamat matibay pa ring nakatayo ang pisikal na istraktura (maliban na lang sa paunti-unting pagbasag na ginagawa ng mga mamamayan upang kumuha ng mga piraso ng pader bilang souvenir), mas mahalaga ang naging pagbagsak ng bagay na sinisimbolo ng pader. Sa pagbabasa ng mga ulat tungkol sa mga araw na iyon, hindi ko mapigilang ihambing ito sa mga naganap sa atin mismong EDSA noong 1986. Dahil sa malalaking demonstrasyon (at maging mga concert), napilitan ang pamahalaan ng GDR na luwagan ang mga kontrol sa mga hangganan. Naging malaya ang paglabas-masok ng mga tao sa pagitan ng Silangan at Kanlurang bahagi ng lunsod. Bandang huli, ang pader, malaong naging isang bagay na pinangingilagan ng mga taga-Silangan, ay naging tagpuang-dako ng mga Berliner -- taga Kanluran man o Silangan.

Ang pagbagsak ng Berlin Wall.
Protesta sa bahagi ng pader sa harap ng Brandenburg Gate.
Larawan mula sa Wikimedia Commons (ibinahagi ni Lear21 at en.wikipedia).


Samantala, ang hatiang Kanluran-Silangan ay lubusang maiaalis sa buong bansa noong ika-3 ng Oktubre ng 1990.

*****

Mula noon, unti-unti nang sinimulang tibagin ang malaking bahagi ng pader. Samantala, iniwan ang isang mahaba-habang bahagi nito sa pampang ng Ilog Spree.

Ang bahaging nakaharap sa dating Komunistang bahagi ay isa na ngayong East Side Gallery, puno ng mga mural mula sa tanyag na mga visual artist mula sa buong mundo. Pwede ring magsulat ang mga bumibisita (sayang nga lang at wala akong panulat). Pwede ring magpakuha ng (kakalokang) larawan.


Tunay nga, ang pader na dating naging simbolo ng paniniil ay siya ngayong nagsisilbing tagapagpaalala ng mga hakbang na ginawa ng mga tao upang makamit ang pagkakaisa at kalayaan

*****

Samantala, naging laman muli ng mga balita ang pader kamakailan, dahil sa plano ng lunsod na gibain ang isang mahaba-habang bahagi ng pader upang bigyang-daan ang isang residensiyal na gusali. Siyempre pa, mariin itong tinututulan ng mga tao.

At dapat lang. Pwede kang magtayo ng condominium sa ibang lugar. Pero ang pader ay nakatali na sa kasaysayan, at ang pagsira rito ay gaya na rin ng pagbura sa mga alaala ng lunsod. ●

Mga Komento

Kilalang Mga Post