tungkol sa maliwanag na buwan

Akalain mo. Nakakasilaw din pala ang buwan.


Walang blinds ang bintana ko sa paanan ng kama. Naisip kong tama lang iyon; kapag umaga na, gigisingin ako ng liwanag ng araw, na di gaya ng alarm clock ay isang panggising na di ko mapapatay.

Pero nitong nakaraang dalawang araw -- madaling-araw -- ginising ako ng liwanag nang alas-kuwatro at alas-singko ng umaga. Hindi, hindi napaaga ang araw; sa katunayan, unti-unti nang umiikli ang tagal ng sikat ng araw sa maghapon ngayong taglagas. Ang sanhi ng liwanag ay ang buong-buong buwan na sumisinag mula sa aking bintana.

Kaya hayun, kahit pupungas-pungas pa, tinangnan ang camera sa kamay at sumampsa sa ibabaw ng heater, nagtangkang kunan ng larawan ang buwan mula sa bintana. Hindi makapokus ang kamera sa "mukha" ng buwan dahil sa repleksiyon mula sa salamin ng bintana. Hindi ko naman mabuksan ang bintana para papasukin ang 7 degrees na lamig mula sa labas.



Magpapasiya na sana akong panandaliang iunat ang kamay sa labas para sa mas malinaw na kuha nang magtago naman sa mga ulap ang animo'y mahinhing dalaga.


Bandang huli, nagmasid na lang ako nang nagmasid habang unti-unting naglalakbay ang mga ulap sa harap ng maliwanag na mukha ng buwan. Papatapos na ang dilim, at gaya ng isang maningning na bituin sa entablado ay waring nagtatago na sa likod ng telon ang Reynang Buwan sa gitna ng lubos na pagkamangha at paghanga ng mga tagapanood na tulad ko. Kahit pa ang "Hanggang sa muli" ay hindi naman sa katagalan, yamang ang maringal na teatro ng kalangitan ay bukas gabi-gabi, gaya ng isang tagahanga ay ninais ko ring kumuha ng isang "huling" sulyap sa bida ng panoorin.

Bagamat hindi ko siya ma-reach (literal), nagpaunlak naman siya. Ito ang pabaon niyang larawan bago ako matulog muli. ●


Mga Komento

Kilalang Mga Post