Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga bagay na pinanghahawakan

nilalakad ko ang titulo ng lupa na nabili ko, at kung saan-saan na ako ipinadpad nito sa Makati. sadyang napakalaki nga siguro ng kawanihan, kung kaya't kinailangan kong magpalipat-lipat sa iba't ibang gusali.

isa pang bagay na napansin ko ay ang karagdagang pag-iingat na ginagawa nila sa pagsasaliksik may kinalaman sa mga dokumento. ang inaakala kong isang maliit na papel na pipirmahan lamang ng isang ginoo o binibini ay sa katunayan isang kalahati o buong oras na paghihintay. wari bang bawat linya ay hinihimay, sinusuri.

kung sabagay, hindi naman sila masisisi. ang titulo ay siyang magpapatunay ng pag-aari ng isang sukat ng mundo.

*****



bumili ako ng bagong cellphone. nagpakabit ng bagong Internet connection. sabihin pa, maingat kong itinago ang mga resibo.

ang resibo ang lisensya sa pagpapalit, pagpapaayos, atbp. ito ang katibayan ng pagbili ng isang bagay; isang maliit na papel na sumasagisag sa isang buong kontrata na pinasok ng nagtitinda at bumibili. isang malaking kawalan nga kung maiwaglit mo ang iyong resibo (maraming beses na rin akong nabiktima ng gayong kawalang-ingat).

*****

ano ba ang pinanghahawakan sa pagmamahal?

ang mag-asawa ay may kontrata; ito na siguro ang pinakamalapit na pagsasalarawan sa isang bagay na kumakatawan sa pag-ibig. pero bukod dito, sa anong materyal na bagay nga ba maihahalintulad ang pangako ng pagmamahal?

ang totoo, walang isang bagay na maaaring lumarawan dito. mas dakila pa ang pag-ibig sa anumang sukat ng pisikal na mundo. ang tunay na pag-ibig ay hindi nangangailangan ng resibo dahil may panghabang-buhay na warranty.

pagdating sa pagmamahal, ang mga bagay na pinanghahawakan ay ang mahigpit na mga yakap at mga halik. ang walang katapusan pagpapahayag ng kaligayahan sa piling niya. ang panahon. ang pagkanaroroon sa bawat pagkakataon, lalo pa't kung kailangan niya.

hindi na kailangang suriin ang bawat linyang nakaukit sa puso. hindi mawawaglit ang kontratang bumabalot sa pagkatao.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.