Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pagkakaibigan

aminin na natin: hindi ka laging pwedeng maging nariyan para sa lahat ng iyong kaibigan.

nariyan ang pisikal na distansiya. lagi at laging magsasanga ang daan para sa lahat ng tao, gaano pa man magkalapit at magkatali ang kanilang mga buhay. may aalis at maiiwan. o baka naman parehong maglalakbay. gustuhin man natin, wala tayong magagawa minsan kapag ang pagkakataon na ang naglayo sa atin mula sa isang taong mahalaga sa atin.

isang bagay rin ang panahon. ang nagbabagong mga kalagayan ay humihiling ng pagbabago sa paggamit ng panahon. may kailangang unahin; may kailangang isaisantabi. madalas, ang ilang mga kaibigan ang kailangang "magbayad" para sa panahong kailangang ilaan para sa ilang mas mahalagang bagay. alam man nila ito o hindi.

gayon din, kailangang isaalang-alang ang takbo ng mga pangyayari. bilang mga tao, lumalago ang ating pagkatao at lumalawak ang ating mundo. sa paglawak na ito ay baka may maiwanan tayo mula sa ating dating buhay.

pero hindi naman mauubusan ng espasyo ang puso.

ang layo at kakulangan ng panahon ay hindi iniinda ng pusong di nakakalimot. ang puso ay makapaglalaman ng libu-libong pangalan, mukha at katauhan na naging bahagi na ng ating buhay. kakatwa, kahit walang limitasyon ang pwedeng ikarga sa puso, pwede pa rin natin itong punuin at paapawin pa nga.

ikaw, sino ang kaibigang naalala mo ngayon?

paapawin mo na ang puso mo. isipin mo ang lahat -- nakakatuwa, nakakatawa, nakakalungkot, nakakahiya -- ng mga sandali na ginugol mo kasama ang taong iyon. dali! magpadala ka na ng regalo. magsulat ka na ng isang dedikasyon. magyaya ka na ng sine (kung pwede). mag-email ka na o mag-text. gumawa ka na ng tula. walang malayo sa nag-uumapaw na puso.

tapos bukas, gawin mo uli. sa iba naman. maliit ang mundo. walang makahahadlang sa pagkakaibigan. :)

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.