tungkol sa pag-download ng mga kanta ni Barney

Iba talaga ang mga bata. Hindi ko maintindihan kung bakit ang pamangkin kong dalawa't kalahating taon ay nahuhumaling kay Barney. Gaya rin ng iba pang bata.

Purple na dinosaur, na babading-bading kumilos - ganyan ko nakikita si Barney. Sa pananaw ng isang matanda, napaka-silly ng ideya na magsasayaw-sayaw sa park o sa tree house. Hindi ito mangyayari sa totoong buhay. Kung mangyari man, alam na kung ano ang kalagayan ng isip ng gagawa nito - kung hindi man maluwag ang turnilyo ay papansin.





Pero sa mga bata, iba ang pagtingin sa mundo ni Barney, at kay Barney mismo. Hindi lang si Kyla ni ate at Neo ni Sir Chris ang sasang-ayon (well, hindi mo sila matatanong, pero ang kanilang pagpadyak at pag-indak sa saliw ng musika ni Barney ang magpapatotoo nito) na may dalang kasiyahan - hindi, GALAK - ang pag-indayog ng malaking purple na dinosaur habang niyayakap ang mga kalaro niyang bata sa isang makulay na farm. Simple lang: si Barney ay isang kalaro, isang mabait na kalaro, na nagtuturo ng "1-2-3's and A-B-C's," ayon nga sa kanta. Hindi na kailangan ng malalim na tema at plot ang mga istorya. Basta't maglalaro lang sila, sa park man o sa tree house, at kakanta.






Sa pagtanda kasi, nawawala ang ganito ka-simpleng pananaw sa buhay.

That's the price you pay for getting old and wise. Nagiging kumplikado ang buhay. Napakadami nang asikut-sikot, at kakatwa na ang isiping ang buhay ay isa lamang production number sa park. Kung sabagay, totoo naman: hindi nauubos ang mga dapat gawin at asikasuhin kapag matanda ka na. Pero, kung tutuusin, mga simpleng bagay (pa rin) naman talaga ang makapagpapasaya sa atin deep inside.






Isang tawag mula sa mahal mo. Isang mahigpit na yakap. Isang tapik (kahit pa batok) galing sa isang matalik na kaibigan. Hindi na natin kakantahin pa ang mga gusto nating sabihin, tulad ng ginagawa ni Barney and friends. Pero yung dahilan kung bakit nila ginagawa iyon - yung pagiging masaya kasama ng mga kaibigan at malalapit sa iyo - yun pa rin ang hinahanap hanap natin, anuman ang ating edad.





Andami pang sinabi. Mag-download ka na nga lang ng mga kanta ni Barney para sa pamangkin mo.

Mga Komento

Kilalang Mga Post