Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pakikipag-usap sa mga kaibigan

nagkaroon ako muli ng pagkakataong makausap nang sarilinan ang mga pinakamalalapit na tao sa akin sa NIP.







may kung anong pumasok sa utak ni ekkay. kung boredom man o depression ay hindi ko alam. basta ang alam ko, nitong weekend ay namili siya ng pagkarami-raming aklat ("hindi basta-basta na mga books," ayon sa kaniya) at sandamakmak na dvd. makailang ulit na niya akong pinipilit na manood ng slumdog millionaire (kahit pa sinabi ko nang binasa ko na ang synopsis sa wikipedia). nawala ang antok ko sa mga kalahating oras naming daldalan tungkol sa nasabing pelikula at sa mga aklat ni malcolm gladwell.

ako? wala namang kakaiba sa buhay ko ngayon. sa kawalan ng maikukuwento ay napagdiskitahan na lang namin ang mga estudyante ko sa recit, hayun at nagmamadali sa pagsagot sa mga problems galing sa university physics.

saka namin naisip: napakahirap nga naman ang maging estudyante sa kolehiyo. hindi na namin mawari kung paano namin nilagpasan ang 18 units ng math, physics, humanities at social science na napagdaanan namin bawat semestre noon. ang exams - naku, ang exams. may kung anong pampalakas ang exam, daig pa ang cobra at red bull, na nagpapangyari sa iyong mag-aral hanggang umaga, matulog ng kalahating oras at magising pa rin nang napakaaga para muling mag-aral. bumabalik sa isipan ang mukha ni dr. bo-ot at ang mga ritwal bago ang pagsusulit (gaya ng malamig na kamay na nanginginig na ipinag-aantanda ni ekkay bago silipin ang exam question, at ang pagpili ko naman ng huling tanong upang sagutan). kung bibigyan man ako ng pagkakataon para pahabain ang buhay ko sa pamamagitan ng makahimalang pag-ulit sa mga taon ng kolehiyo, tatanggihan ko na lang. dahil hindi ko na kaya.

isang *apir!* ang sumunod matapos naming magkatitigan at sabay na ma-realize: we survived college. in NIP.











naghihintay pa si tons ng susunod na class. 9:40 siya pumapasok para sa 9:00 class niya; usapan na nila ito ng mga estudyante niya. sabihin pa, huling experiment day naman na, kaya hindi naman kailangang magmadali.

matagal-tagal na rin mula nang huling magkaroon ng ganitong eksena: in a low voice, magkukuwento si tons ng mga *events* (ahem) sa kanyang love life, mga blow by blow account ng maaksiyon at (madalas noon) maalab na mga tagpo. mga buwan? taon na nga yata? pero naulit na naman ito ngayon, salamat sa bumubuting pagtitinginan nila ng bago niyang *ka-relasyon*.

nakakatuwang marinig ang recent na mga kaganapan. nagpapakatotoo na si tons. noon, siya ang napakapormal na henyo ng physics na nagpapaturo pa kay felix ng relativity bago makipag-date. ngayon ay nakakatulugan na niya ang mga kuwentuhan. at hindi na siya ang laging sumasagot sa pagkain (hindi na rin laging sa burgoo). ito na nga ang tama, totoo, at tunay, at sana ay ang huli. after all, ang taong tunay na mahal ka ay ang isa na kaya mong pakiharapan taglay ang buong pagkatao mo, (kumbaga sa charge ay) positibo at negatibo; sasandig pa rin siya sa dibdib mo kahit pa humihilik ka na sa kalagitnaan ng isang episode ng sex and the city. ang taong tunay na mahal mo ay ililibre mo ng kahit ano, kahit saan, (ayon sa mismong mga salita ni tons,) "dahil gusto mo."

bago umalis si tons, naikuwento niya na background ng naunang mga naging ka-relasyon ng kanyang kasalukuyang pag-ibig. lalo tuloy napagtibay ang paniniwala kong tunay ang pagmamahalan nila. si tons ay hindi french, hindi siya la salle-ista, hindi siya 6-footer. siya si tons - at kaya niya siya mahal.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.