tungkol sa kulitan at kapihan tuwing lunes

isa lang ako sa mga regular cast; napapalitan linggo-linggo ang mga kasama, lalo na ang mga bata. pero pagkatapos ng seminar, tiyak na ang eksena: paglabas ng instru ay maghihintayan na iyan sa pool side at sabay-sabay lalakad ang grupo ni sir chris para magkape sa cordillera coffee sa vargas museum.

sumuweldo na kaming lahat, nabili na at na-reimburse ang lahat ng kailangan, pero hindi pa nauubos hanggang ngayon ang pera mula sa research project ni sir chris. kahit pa may isang papel na itong nailabas (at dalawa pa ang nakahanay at nirereview ngayon), hindi pa rin tapos ang proyekto kapag hindi pa nauubos ang pera. kaya hayun, bilang bonus para sa masisipag na mga mananaliksik (kami yun!), may libreng kape ang buong grupo pagkatapos ng seminar kapag lunes. iniipon ni irene ang mga resibo; magpapatuloy ang grasya hanggat hindi pa umaabot ng limampung libong piso (spelled out para mas ma-emphasize!) ang bayarin namin sa vargas.

sa pangunguna ng "alpha male", si sir chris mismo, uusad ang "herd". magkasama sina ekkay at tons siyempre, sinusundan namin ni felix at kung minsan ay ni issa. nariyan din si ate ianne na kung hindi tahimik sa isang tabi (may ka-text?) ay siyang paksa ng usapan. nasa likod ang mga bata, mahiyain pa at unti-unti pa lang nasasanay sa brutal na asaran ng grupo: magsisimula kay irene, kay jr, andiyan din si cheryl at si bryan kung minsan. sa pana-panahon ay sumasama si george at si alva. naimbitahan pa nga minsan si mikki.

ang daang papunta sa vargas museum mula sa nip ay hindi siyang pinakamagandang kalsada sa mundo, pero nabubuhay ito tuwing lunes sa pagdaan ng grupo, sa pag-ulan ng mga kulitan at kuwento. ang mga diskarte ni tons, as advised by sir chris. na pinakikinggan (at gustong i-apply?) ni jr (at ni felix?). ang mga pang-asar sa akin tungkol sa past (at present?) ko. ang mga trip ni ekkay. ang steady na love life ni irene (na bukambibig ni sir). ang pamimili ni cheryl sa pagitan ni jr at bryan.

sa gitna ng paghigop ng kape at strawberry shake ay inuusisa ang love life ni ate ianne at ni tons. pinapayuhan si felix tungkol sa mga da moves. ina-anticipate ang susunod na panliligaw ni jr. kinukumusta si sweety ni irene.

trip ng iba na mag-inuman hanggang madaling-araw; inaalis ng alak ang hiya na makahahadlang sa pag-uusap. pero para sa amin na wala kaunti ang hiya, kape siguro ang kailangan, pampatindi ng kulitan.

umabsent na sa RM, pero sa kape pagkatapos ng seminar ay huwag. higit pa sa libreng kape, nandito ang pampasarap ng samahan.

Mga Komento

Kilalang Mga Post