Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa physics

isang araw lang ang nakakaraan: bumisita kami kay Ekkay sa ospital kung saan siya na-confine. dahil may pinsan siya sa ospital, ilang beses siyang ipinakilala sa kung sinu-sinong doktor. siyempre pati kami naipakilala rin. hindi ko makalimutan ang naging reaksiyon ng isa sa mga doktor doon. nang itanong kung ano ang trabaho namin, sinabi naming nagtuturo kami ng Physics sa Diliman. napa-wow ang doktor...(pagkatapos ay napa-shit, kasi binagsak daw niya ang Physics niya noon sa Los Banos.)

limang taon na ang nakaraan: pumunta kami ni Mia sa UPLB para bisitahin ang mga kaibigan namin doon. tamang-tama naman, nakita namin si Nikki (friend ni Mia) at si Bryan (friend ko) sa McDo. ipinakilala ako ni Bryan sa blockmates niya, at nang sabihin niyang Physics ang course ko sa Diliman, sumubsob silang lahat, habang nagcha-chant ng "Sambahin...sambahin..."

pitong taon na ang nakakaraan: pareho lang kami ng pananaw ng doktor at mga classmate ni Bryan.






pumasok ako sa physics nang walang kaalam-alam. ang alam ko lang ay na noong highschool ako, gusto ko ito bilang subject, at naaalala ko pa ang sarili ko na nagde-derive ng equations to prove na hindi dapat pare-pareho ang area ng mga colors para magmukhang white ang umiikot na Newton's disk. gaya ng karamihan ng tao, ang akala ko ay pagtuturo lang ang pwede kong gawin kapag kumuha ako ng physics na kurso. malayung-malayo sa isip ko na gagawin ko ang mga ginawa ni Maxwell o ni Faraday.

sa NIP ako nag-UPCAT. lahat ng poster noon na nakapaskil sa hallway ay may takip. bukod sa madilim na hallways, mga upuang puno ng grafitti lang ang dinatnan ko sa Center for Excellence in the Physical Sciences sa Pilipinas. kaya naman noong pumunta ako para sa interview at makita na mga research works pala ang nakalagay sa mga iyon, na-impress talaga ako. habang nakikipag-usap sa akin si Dr Salvador sa conference room at sinasabi ang mga kinakailangan kong gawin para manataili bilang BS Physics, naglalakbay ang isip ko, nagtataka (at kinakabahan) kung ano nga ba ang pinasok ko.





nanatili ako sa physics sa pagkaalam na may pagkakataon ako para magsaliksik. mas masaya palang alamin kung paano gumagana ang mga bagay-bagay sa mundo kesa matutunan mo lang ito mula sa iba.

sa pananatili ko sa NIP marami akong na-realize. nalaman kong hindi pala para sa mga gustong maging guro ang kursong ito. naintindihan ko na (ang dapat na maging motibasyon ko ay) gusto kong maging scientist. at ang isang scientist ay hindi lang dapat na maging matalino, kundi matiyaga. hindi, hindi ko ito natutunan sa madaling paraan. ilang probsets at exam, ilang overnights ang nagturo nito sa akin.

hindi ko namalayan na ginugol ko pala ang limang taon ng kabataan ko sa isang makabuluhang paraan. kung naging artist ako, siguro ginamit ko lang ang yugtong ito para paghusayin ang sarili ko, at ang pinaka-amabag ko lang siguro ay ang ma-appreciate ng mga tao ang ginawa ko. kung naging social scientist ako, baka nalito lang ako sa pag-aaral sa magulo at pabagu-bagong takbo ng isip at buhay ng mga tao. pero pinili kong magsaliksik sa natural science, kaya nakita ko kung gaano ka-elegant ang mga batas na gumagabay sa mundo, mga batas na milyun-milyong taon nang nakatatag, naghihintay na tuklasin (at pamarisan) ng tao.

sabi nila, ang 21st century daw ay century of biology, in the same manner as the 20th is the century of physics. noong una akala ko, nahuli na ako, at na wala nang tanong ang hindi nasagot ng physics. pero, tulad ng narinig ko kay Sir Carlo minsan, ang mas exciting na mga research daw ay nasa boundary ng mga sciences. isa pa, na-realize ko, marami pa talagang tanong ang naghihintay ng kasagutan.






nagpapatuloy ako sa physics na marami pang gustong malaman. at marami pang gustong gawin.

ngayon alam ko na: nauna lang talaga si Newton o si Einstein. isang bahagi lang ng malaking misteryo ang sinagot nila noong panahon nila. sa katunayan, hindi naman pala nauubusan ng misteryo. nagre-research pa rin ako hanggang sa ngayon, sinusubukang sagutin ang ilan sa mga tanong na nasa isipan, nagsisikap na magpaliwanag sa isang aspekto ng mundong kinabubuhayan natin. sabi nga ni Dr Saloma, nasa forefront ng search for knowledge ang mga scientist. kumbaga sa mga sundalo, nasa unang hanay para sa paghahanap ng bagong paliwanag sa mundong alam natin. masaya ako kasi sa bahagi ng physics, meron akong maliit na share.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.