tungkol sa paghihintay sa tahimik na mga pasilyo

hindi pa nakakaraan ay lipos ng kaguluhan at lito ang sangka-UP-han. nariyang suspindihin ang Lantern Parade dahil sa mga bantang panseguridad. nariyang magningning sa mga butil ng liwanag ng kandila ang Quezon Hall at mga hakbang paakyat ng AS dahil sa vigil ng mga estudyanteng tutol sa pagtaas ng bayarin. nariyan ang naghayu't ditong mga konseho at admin ng iba't ibang kolehiyo na nagsagawa ng sariling bersyon ng parada. at nariyan din ang di-mabilang na mga tao, isang haluang pangkat ng mga estudyante't bisita na nagkasya na lamang sa manaka-nakang pagbili sa mga tindahan sa palibot ng Sunken Garden.

sa gitna ng gayong tagpo ay tinungo ko ang PH3234, naupo sa aking mesa at sabik na naghintay sa mga susunod na kaganapan. tahimik ang malamig na silid, anupat halos marinig ko ang paghugos ng dugo mula sa nagdudumali kong puso.

subalit nang sumunod na araw, isang malaki (at kakatwang) pagkakaiba ang namasid. tapos na ang apoy, at naabo na rin ang baga. sinalubong ako ng mga pasilyo ng unibersidad hindi bilang isang nagngangalit na hukbo kundi bilang isang walang malay na sanggol.




ngunit sa paglalakad ko sa naturang mga pasilyo, naroon pa rin sa akin ang matinding kabog ng dibdib at kaba sa kalooban. muli akong dinala ng mga iyon sa pintuan ng aking faculty room. ang katahimikan ng parehong silid ay gumuguhit ng malinaw na mga larawang may malabong kahulugan. paulit-ulit ako nitong pinaiikot-ikot sa aking upuan, sa pagkainip at pagkabahala.

dalawang matinis na huni ng cellphone ang gumising sa akin pabalik sa realidad.

at habang nagtatatakbo ako palabas ng kuwarto tungo sa direksyong isinasaad ng maikling "liham," nakadama ako ng bugso ng emosyong mas matindi pa sa galit ng sinundang araw, at kapayapaang higit pa sa dala ng ngayon.

Mga Komento

Kilalang Mga Post