Hindi ako mahilig noon sa mga museo. Parang kakatwa o corny para sa akin ang pamamasyal sa mga ito, na para lamang sa mga nerd o mga mananalaysay. At sigurado ako na hindi ako nag-iisa; marami sa mga kapanahon ko ang hindi naman na- expose sa ganitong mga yamang pangkultura. Dalawampu't pitong taon na ako nang una akong pumasok sa isang museo sa sarili kong pagkukusa. Isa akong postdoc noon, mag-isang naninirahan sa silangang Alemanya. Nagsawa na ako sa mga mall (aba, siyempre, bilang Pilipino ay ito ang natural na tambayan ko!) at Ikea, at nakakainip naman sa mga parke. Kaya hayun, matapos ang paglalakad-lakad sa labas ng mga baroque na gusali ng lunsod, ipinasiya kong pumasok sa loob. At doon nagsimula ang aking pagpapahalaga, pagkahilig pa nga, sa mga museo. Ang Dresden ay isang mayamang kaharian sa malaking bahagi ng kasaysayan nito, kaya pinuno ng mga duke nito ng kanilang mga koleksiyon ang mga museo ng lunsod. Sa buong dalawang taon...