Nagbabadya na naman ang ulan habang minamasdan ko ang lunsod ngayong hapon. Sadyang nagpapalit na nga ang panahon. Ang nagdaang mga buwan ay talaga namang pinakamaiinit, na pinalubha pa ng El Niño. Pero unti-unti nang nagsisimulang humihip ang habagat. Nabasa ko pa ang isang post na may namumuong sama ng panahon sa silangan (hindi naman ito fake news , mula ito sa kakilala kong meteorologo). Talagang dapat nang asahan ang maulang Maynila sa mga susunod na mga buwan. At ang maulang Maynila ay isang mahirap-lakbaying Maynila. Nitong nakaraang mga araw, mararamdaman mo ang singaw at halumigmig, kahit pa nga umulan nang sandali. Siguradong sa susunod na mga linggo, kapag bumuhos na nang todo ang ulan, babalik ang dating mga problema sa kalsada, gaya ng pagbaha at ang dulot nitong buhul-buhol na trapiko at mga sakit na dala ng paglusong sa maruming tubig. Napansin ko rin na kahit papaulan na, napakarami pa ring hindi natapos na mga trabaho ng pagbakbak sa mga kalsada; tiyak kong ...