Tumagi-tagilid siya at tumiwarik. Pero hindi pa siya dumidilat. Ayaw pa niyang gumising. Madaling-araw na rin kasi bago matulog itong bulinggit ko. Madalas na dahil sa paghihintay sa akin, kaya silang dalawa ng Mommy niya ay nagsasakripisyong manatiling gising kahit alas-onse na ng gabi. Pero sa bata, hindi naman talaga ito sakripisyo; kapag mas late matulog, mas matagal pa siyang maglalaro! Aabutan ko na lang siya na “pinapakain” at “pinapatulog” ang kaniyang mga manika. Pero kapag malikot na siya sa umaga, alam mo na. Nag-aagaw na ang diwa niyang gusto nang bumangon at ang katawan niyang ayaw pa. Diyan siya pinakamalikot. Pero ngayon, hindi lang ang katawan niya ang malikot. Pati pala ang isipan. Nakapikit pa siya nang bumulalas: “Nasira siya!” At dahil halos gising na rin ang diwa ko noon, tinanong ko siya. “Ano yung nasira?” “Si Spiderman,” tugon niya, ngayon ay nanlalaki na ang mga mata sa pagkasabik. “Nasira si Spider...