Nararanasan natin ito lagi. Kung kailan kailangan mo ng panahon -- halimbawa, kung naghahapit ka o may hinahabol -- saka naman tumatakbo nang mabilis ang oras. Kapag nababagot ka naman -- halimbawa, sa paghihintay -- saka naman tila hindi gumagalaw ang orasan. Ipinapakita lang ng gayong mga karanasan na bagamat hindi naman talaga bumibilis o bumabagal ang takbo ng oras, ang pananaw natin dito ang nagbabago batay sa ating personal na mga nadarama sa panahong iyon. Ang mga yugto ng panahon ang siya ngayong nagiging batayan natin sa pagiging mabilis o mabagal ng isang bagay. Sa pananaw ng isang langaw na ang buong buhay ay tumatagal lamang ng ilang mga araw, ang buhay ng tao ay waring napakatagal, baka nakababagot pa nga. Pero kung ang pagbabatayan naman ay ang mga bundok o kapatagan na libu-libong taon ang binibilang bago magkaroon ng kapansin-pansing pagbabago, ang mga tao ay mabilis na lumilipas, na animoy isang time-lapse video sa kanilang paningin. ...