Kung kailan maulan, saka naman kami namalengke. Habang ang mga tao ay nagpapahinga sa bahay at sinasamantala ang malamig na panahon, kami naman ay sumusuong sa daluyong at buhos ng tubig. At sa Marikina pa talaga. Sa lambak na isa sa pinakakritikal na bahain dahil sa ilog nito. Gaya ng inaasahan, maluwag ang daloy ng trapiko, at halos puro malalaking truck ang sinasabayan ng maliit naming Wigo. Wala pa namang malalim na baha, pero todo kayod ang mga wiper ko sa harap at likod para makita ang kalsada. Higit sa lahat, walang masyadong tao sa mga establisamento. Kaya naman napagpasiyahan naming doon na kumain, sa halip na magluto pa sa bahay. Pagkatapos ng pamamalengke, inihatid ko muna ang pamilya sa loob ng mall bago mag-isang tumungo sa open parking. Nang patayin ko ang makina, at tumigil sa paggalaw ang wiper ko, nangibabaw ang pagbagsak ng malalaking patak ng ulan sa windshield. Gaya ng mga effect sa Photoshop, inihalo nito ang mga kulay mula sa mga ilaw ng kanugnog na gu...