Lumaktaw sa pangunahing content

Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Enero, 2013

tungkol sa pagmamadali

Kapag nagmamadali ako, saka naman parang laging may aberya. Noong nakatira pa ako sa Antipolo at kailangan kong habulin ang alas-siyeteng klase ko sa UP Diliman, hindi talaga pumalya. Laging may mali kung kelan naman ako nagmamadali! Nariyang may maiwan: ang cellphone, ang wallet, ang libro. Kung kelan ka nagmamadali, saka naman walang dyip; kung kelan ka naghahabol, saka naman pagkabagal-bagal ng sasakyan. At kapag huli ka na, para bang ang haba ng pila ng sasakyan at ang tagal ng trapik.

tungkol sa niyebe

Bakit kaya puti ang kulay ng niyebe? Pagsapit pa lang ng taglagas, unti-unti nang nawawalan ng kulay ang paligid habang isinasaboy ng mga halaman ang kanilang mga dahon sa paligid. Totoo, hindi naman ito biglaan; mula sa berde ay nagiging makintab na kahel muna ang mga puno, animo'y taong nagpakulay ng buhok. Pero ang kahel ay nauuwi sa tigang na kulay-kape, hindi na sa itaas kundi sa ibaba, habang ang mga dahon ay isa-isa nang nalalaglag sa lupa. Hanggang sa pagsapit ng taglamig, kalbo na ang halos lahat ng puno; waring lubusan nang naubos ang lahat ng kulay sa paligid. Ang natitira na lang na piraso ng berde ay ang mga damuhan at ilang maliliit na halaman. Na tatakpan naman ng makapal na puting niyebe.