Larawan: Kuha ni P. Cruz, mula sa Wikipedia . Hinahatid ako noon ni Mama patungo sa Leodegario Victorino Elementary School tuwing Sabado para sa mga Math classes ng MTAP (Mathematics Teachers Association of the Philippines). Kadalasan na, ang ruta namin ay babagtas sa Sumulong Highway mula sa aming bahay sa Cogeo tungo sa Marikina Bayan, at mula roon ay sasakay naman kami ng biyaheng Cubao, na dadaan sa harap ng eskuwelahan. Kung minsan naman ay maglalakad na lang kami mula sa Bayan, lalo kung maaga pa. Sa pagbagtas sa mga rutang iyon una kong nasilayan ang Ilog ng Marikina. Ang ilog ay malayo pa noon sa kasalukuyang itsura nito. Noo'y bagong-talagang alkalde pa lang si Bayani Fernando, at nagsisimula pa lang ang mga kampanya sa paglilinis at pagpapaganda ng noo'y bayan ng Marikina. Pero kahit pa gayon, inaabangan ko pa rin ang bawat pagdaan namin sa tulay. Mula sa isang batang nakatira sa bulubunduking Antipolo, ang malawak at malalim na ilog ng Marikina ay isang kaha...