uso na naman ang mangga. hindi, hindi yung hinog (pero, oo, masarap din ito). ang tinutukoy ko ay yung manggang hilaw. indian. namimintog. yung tipong makintab pa ang berdeng balat dahil sa dagta. mga ilang linggo na sa bahay ang basket ng hilaw na mangga. naghalo na ang mga nanggaling sa palengke at ang mga ibinigay ng kapitbahay mula sa kanilang puno. nahinog na nga ang iba. kaya naman naisipan kong pumapak ng isa (sana) kahapon. natakam ako, hindi sa mangga, kundi sa bagoong na alamang na nasa garapong katabi ng basket. ang nagsimula sa pagtikim sa isang ga-kurot na bagoong ay natapos sa paglapang sa isang mangga, dalawa, tatlo...hindi ko na nabilang. nakilantak na rin kasi ang kapatid ko, at ipinagbalat na kami ni mama. hindi mo pa tapos ang isang hiwa mo na pinaibabawan ng isang sentimetrong kapal na bagoong, naglalaway ka na para sa kasunod. may problema nga lang. ang bagoong ay gawa sa alamang. ang alamang ay hipon. at allergic ako sa hipon. iniiwasan ko...