tungkol sa mga tanawin mula sa opisina
Tuwing Biyernes, maaga akong pumapasok sa opisina.
Ayoko kasing naiipit sa trapiko. Lalo pa nga ngayon, na akinse ng buwan. Aba, kahit nga alas-kuwatro y media ako umalis, naipit pa rin ako sa C5 (may nasirang dalawang truck, na animo'y nakikisabay pa sa pagkaabala ng kalsada).
Kaya kapag dumarating ako, hindi pa sumisikat ang araw. Gaya ngayon.
Maliwanag na, pero wala pang gintong mga sinag sa paligid; alam mong maaga pa.
Pero sa lokasyon ng opisina namin, kung saan napakaraming mga nagtatrabaho na nakabatay sa oras sa ibang bansa, para bang nawawalan na ng pagkakaiba ang maaga at ang huli na, ang mismong umaga at gabi. Habang sumisilip sa ibaba, nakikita ko ang maraming mga masisipag na mga trabahador; ang iba ay papauwi, kararating lang ng iba, at ang iba naman ay nasa kanilang coffee break. Hindi natutulog ang mga kalsada at establisyamento ng lunsod, habang mabilis na humuhugos ang mga tao.
Napaupo ako ngayon sa isang walang-lamang opisina, gising sa dalawang baso ng kape. Binuksan ko ang laptop para magsimulang gumawa.
Sa halip, binuksan ko ang blog na ito, na mga isang taon ko nang hindi nagagalaw.
Gusto kong gamitin ang pagkakataong ito para ilarawan ang tagpo. Isang tagpo na sumapit sa gitna ng mabilis na takbo ng buhay. Isang tagpo na hindi na mauulit.
Siyempre, araw-araw pa rin akong papasok, iiwas sa matinding trapiko, magmamasid ng mga tanawin mula sa walang-laman kong opisina. Tiyak na hindi naman magkakalayo ang mga mamamasdan ko.
Pero iuulat ko ang ngayon, isang testamento sa isang panahong naglagi ako sa opisinang ito sa ikapitong palapag, nagmasid at naalala ang kabilisan ng buhay, at nagpasiyang huminto sandali para magnilay-nilay.
Uy, ito na pala ang araw.
Okay na. Kailangan ko na ring magtrabaho. Tapos na ang paghinto sandali. Hindi humihinto ang buhay. ■
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento