Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pera

ang pera na siguro ang pinakaabalang imbensiyon ng tao.

isang paparating na pelikula ang may subtitle na "Money never sleeps". kung tutuusin, sa literal na diwa ay totoo ang mga pananalitang ito. ang piso ay sandali lamang kung makapahinga sa bulsa o alkansya, at malamang na magpatuloy na magpasalin-salin sa kamay ng kung sinu-sino hanggang sa makatarating ito sa bangko sentral, kung saan maari itong mapalitan. kung hindi man, kung gayo'y hindi pa rito natatapos at magpapanibagong ulit pa ang siklo ng pag-ikot ng kawawang piso.

ang pera nga daw ang nagpapaikot sa mundo.

sa puntong ito, hindi na literal na masasabing totoo ang nasabing bagay. sa pisikal na diwa, umiinog ang mundo nang dahil sa mga batas ng grabidad. sa katunayan, umikot na nang di mabilang na ulit ang planeta kahit pa noong mga panahong wala pa ang pera. kahit pa noong mga panahong wala pang kalakalan. kahit pa noong mga panahong wala pa ang tao.

oo, tao ang nag-imbento sa pera. tao ang dapat magpaikot sa pera. hindi ang kabaliktaran.

sabi nga nila, wala nang bagay na libre sa mundo. ang mabuway na kalagayan ng ekonomiya ay kasabay ng paglaganap ng maraming sakit. nakakarahuyo rin ang teknolohiya na nilikha upang maging mas komportable ang buhay ng tao. isang bagay ang tiyak: ang pamumuhay nang maalwan ay makukuha sa isang takdang halaga - halagang nababayaran ng pera.

pero iba ang maalwan sa masaya.

isa ako sa (kaunting) mga naniniwala na ang masaya at maalwang buhay ay hindi magkasingkahulugan. ang kaalwanan at katiwasayan ay isang kabinet sa bahay na kaligayahan ang bahay na walang kabinet ay mas mabuti sa kabinet na walang bahay. at kung paanong ang bahay ay mas malawak sa kabinet (gaano man kalaki ang kabinet), mas malawak at mas malalim ang tunay na kahulugan ng kaligayahan.

naroon iyon sa pagkadama ng pagmamahal.


naroon iyon sa piling ng mga kaibigan.

makikita iyon sa ngiti ng mga pamangkin.

matatagpuan iyon sa mabuting kaugnayan sa kapuwa at sa Diyos.

sabi nga ng Mastercard: there are some things money can't buy. mas espisipiko ang Beatles: money can't buy me love. mahirap ang buhay, at isang sanhi ng kaalwanan ang pagkakaroon ng maraming pera. pero kahit pa mawala ang pera, magpapatuloy ang buhay.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.