Lumaktaw sa pangunahing content

Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Abril, 2020

tungkol sa katahimikang dala ng kuwarantenas

Lalo pang naging kakila-kilabot ang madilim na mga kalyeng paliku-liko sa mga kakahuyan na bumabagtas sa mga kabundukang pauwi sa amin. Nakadagdag sa lagim ang nakabibinging katahimikan. Ni walang kaluskos ng tsinelas o arangkada ng makina na pumapailanlang; aba, kahit ang mga balang at kuliglig ay walang huni! Gaya ng mga eksena sa mga thriller  na pelikula, wari bang anumang sandali ay may hahablot sa iyo patungo sa kapahamakan. Naihatid ko na ang ilang pangangailangan ng kapatid ko. Walang checkpoint  ng militar o barangay sa mga kalsada sa pagitan ng mga bahay namin, kaya malaya akong nakalabas kahit tapos na ang curfew . Naka-kuwaratenas ngayon ang lahat, pinuwersa ng pamahalaan na manatili sa mga bahay para hindi mahawa at makahawa ng sakit na Covid-19. Kaya naman anumang bakas ng mga tao at transaksiyon ay matagal nang napawi; hayun, ako at ang kotse ko ang tanging naiwan sa kanto. Siyempre pa, hindi naman talaga mapapawi ang ingay at gulo; kadikit na yata ito n...