Ang Maynila ang pinakamatandang lungsod sa kabisera. Kaya napakaliit na ng pagkakataon para paluwagin ang mga lansangan o baguhin ang mga bloke nito. Dumating na ito sa punto na hindi na nito masasabayan kailanman ang paglago ng bilang ng mga sasakyan sa pagdaan ng panahon. At ito rin ang nasa pinaka-kanluran. Na pinakamalayo sa isang taong tulad ko na nakatira sa silangan (kakatuwa, ang mismong pangalan ng aming barangay ay: Silangan). Ano, at saan? Lakad? Pribadong sasakyan? Tren? Motor o van? Ang totoo, walang iisang solusyon sa napakasalimuot na problema ng transportasyon sa Maynila. Kadalasan nang nasusumpungan ng mga namamahala ang kanilang sarili na pinaghuhugpung-hugpong ang maliliit na mga pamamaraan, umaasang magdudulot ng pangmalakihang kaginhawahan. Pero madalas na hindi rin naman nagtatagal ang mga bunga nito, kung mayroon man. Kaya gayon din ang istorya ng pagbibiyahe ko patungong Maynila araw-araw. Nariyang pagsama-samahin ang magkakaibang mga pamamar...