May mga bagay na napipili ang petsa at naipaplano. Halos lahat ng mga gawain sa bahay at sa trabaho ay pwede naman talagang ilista, idokumento, at lagyan ng panahon kung kailan dapat gawin at tapusin. Ang totoo, dahil napakaabala ng mundo, madalas na hindi lang pwede kundi kailangan ang angkop na pagsasaayos at pagpaplano. Pero hindi lahat ng bagay ay gayon. Ang kamatayan, halimbawa, ay hindi naitatakda bagamat maaaring sumapit sa isa sa anumang panahon. Ang isang tao ay hindi gaya ng pakete ng pagkain, anupat hindi ipinanganganak na may nakamarkang "Expiration Date" sa talampakan. Kahit pa may paniniwala ang iba [ako mismo ay hindi naniniwala rito] na may "oras" ang bawat isa, at "kung oras mo na, oras mo na," hindi pa rin nila alam kung kailan ito eksaktong darating. Dahil diyan, ang kamatayan ay hindi mapaghahandaan. Ang pagkamatay ng isang tao ay mapait para sa mga maiiwanan niya, kahit pa nga doon sa mga kaso ng mga terminally ill at tala...