“Okay ka na?” Ako na lang ang nagsalita dahil kanina ka pa tahimik. Damang-dama ko ang kaba sa dibdib mo, kahit pa hindi ka nagsasalita. “Wag na lang kaya?” Natatawa ka man, parang nangingilid na ang luha sa mata mo. Tumawa na lang din ako. “Hindi, uy.” At, bagamat ilang ulit mo na itong narinig, idinagdag ko: “Kaya mo yan!” Bantulot, tumayo ka na, nagbihis ng isang pilit na ngiti, at tumango. Ngumiti ako at nauna nang maglakad patungo sa naghihintay na kotse sa ibaba. Pagdating natin doon, bagong hamon ang naghihintay. Paparoon ka sa gitna ng isang dagat ng mga estranghero, na may mga mapanlinlang na ngiti at mga titig na waring manlalamon. Tumatanaw sa labas mula sa bukas na bintana ng kotse, muli kang napabuntong-hininga. “Totoo ba?!” Hinagod ko ang balikat mo, para maibsan kahit kaunti ang pagkabahala mo. “Ito na yun!” At, bagamat ilang ulit mo na itong narinig, idinagdag ko: “Kaya mo yan!” Bumaba ka na ...