Ang salitang Ingles na “loss” ay malapit na nauugnay sa “lost”: isang bagay na hindi masumpungan. Sa kabilang banda, ang katumbas nitong salita sa Filipino na “kawalan” ay halaw sa salitang-ugat na “wala”: hindi lang basta hindi masusumpungan kundi hindi talaga umiiral. Parang mas nakakatakot tuloy ang dating ng salitang ito sa wika natin. ***** Noong isang araw, nanonood si Steph ng isang dokumentaryo tungkol sa extreme poverty , o pamumuhay nang mas mababa sa isang dolyar bawat araw. Kahit bahagya ko lang namalayan ang ilang tagpo, nakita ko ang paraan ng pagsasalaysay: isang grupo ng mga tao (marahil ay mga Amerikano) na sanay sa pang-araw-araw na kaalwanan ang sumubok na mabuhay gaya ng mga kakaunti lang ang tinataglay, o baka wala pa. Kapansin-pansin ang malaking pagkakaiba sa reaksiyon ng mga gumawa ng dokumentaryo at ng mga taong sinusubukan nilang gayahin. Nadama ng mga nasa dokumentaryo ang kawalan : ng panustos, ng k...