Kahapon, sa labas ng Kamia, pumulot ang estudyante ko ng mga nahulog na bulaklak. Nakihingi na rin ako bago bumalik sa opisina. Nahulog na ang mga bulaklak na iyon; sa paanuman, hindi na sila kailangan at susuportahan ng halamang kanilang pinanggalingan. Ang totoo, ang halaman ay patuloy na mabubuhay; matagal na itong naroroon bago pa umusbong ang mga bulaklak na iyon. Pero ang mga bulaklak na napulot namin ay unti-unti masisira, dahan-dahang matutuyo, kung hindi man agad-agad na wawalisin at itatapon. Hindi ito nangangahulugang hindi sila maganda. Ang totoo, ang bagong-lagas na mga bulaklak na iyon ay talagang kahali-halina sa paningin, kahit pa wala silang amoy. Bihira akong makakita ng gayong kulay. Aba, may bituin pa nga sa gitna kapag sinilip mo ito sa loob! Mga kakaibang hugis at disenyo, mula sa isang bagay na, kung hindi pa kami napadaan doon, ay nakataan lang sa pagkatapon at kabulukan. Kaya naman pagbalik ko sa opisina, agad akong kumuha ng isang...