10-20-30. Ikasampung buwan. Ikadalawampung araw ng buwan. Ika-tatlumpung taon. ***** Noong ika-20, tumuntong ako sa edad na tatlumpu. Hindi naman kami nagdiriwang ng kaarawan, kaya wala namang espesyal sa araw na iyon. Ang totoo, nakakaasiwa pa ngang malaman na nagpalit na ang unang numero ng iyong edad. Nang gabi ring iyon, tumungo kami sa lamay ng lolo ng isang kaibigan. Nakausap namin ang kaniyang iniwang asawa, na walumpu’t-isang taon niyang nakasama. Malinaw pa sa kaniyang alaala ang lahat ng kanilang magaganda at masasayang karanasan bilang mag-asawa, lumuluha sa pana-panahon habang nagkukuwento. Ang galing, ano: Sa pagtahak ko sa karagdagang hakbang sa buhay, heto’t nakikinig ako sa mga alaala tungkol sa isa na nakatapos na ng kaniyang landasin. *****