aminin na natin: hindi ka laging pwedeng maging nariyan para sa lahat ng iyong kaibigan. nariyan ang pisikal na distansiya. lagi at laging magsasanga ang daan para sa lahat ng tao, gaano pa man magkalapit at magkatali ang kanilang mga buhay. may aalis at maiiwan. o baka naman parehong maglalakbay. gustuhin man natin, wala tayong magagawa minsan kapag ang pagkakataon na ang naglayo sa atin mula sa isang taong mahalaga sa atin. isang bagay rin ang panahon. ang nagbabagong mga kalagayan ay humihiling ng pagbabago sa paggamit ng panahon. may kailangang unahin; may kailangang isaisantabi. madalas, ang ilang mga kaibigan ang kailangang "magbayad" para sa panahong kailangang ilaan para sa ilang mas mahalagang bagay. alam man nila ito o hindi. gayon din, kailangang isaalang-alang ang takbo ng mga pangyayari. bilang mga tao, lumalago ang ating pagkatao at lumalawak ang ating mundo. sa paglawak na ito ay baka may maiwanan tayo mula sa ating dating buhay. pero hindi naman mauub...