Babala: Hindi ito isang patalastas para sa National Bookstore o anumang produktong nabanggit. ako ang tipo ng tao na kapag pinabayaan mo sa mall ay pipiliing pumasok sa National Bookstore kaysa sa Timezone o sa department store. hindi ko alam; nasa dugo ko na marahil ang pagka-geek, kaya may kung anong panghalina ang school supplies kaysa sa sapatos o laruan. at, sabihin pa, ang bookstore na kinalakihan ko, gaya ng maraming iba pa, ay ang National Bookstore. naroon sa mga estante ng National ang mga papel. may guhit o wala, puti o may kulay, matigas o malambot, malaki o maliit. at sa halos lahat ng dulo ng mga estanteng iyon, naroon ang mga makukulay na bolpen. iyon, iyon ang aking puntirya. marahil ay nakasanayan ko na ito, dahil noong bata pa ako, kaunti lamang ang pera ko anupat bolpen lang ang luhong nakakayanan ko. ang dating limang pisong Panda at dalawampung pisong Pilot ay paborito kong ipunin at ipanulat ng mga tula at maiksing kuwento, na ang mga kopya, gaya ng mga is...