Patay na ang telebisyon at nakabihis na ng pantulog ang mag-ina nang bumaba ako mula sa opisina. Sa dami ng trabaho, hindi ko na namalayan na alas-diyes na pala. Balak ko sanang maligo, pero sinilip ko muna ang labas ng bahay para matiyak kung nakakandado na ang mga gate. Doon ko napansin ang malakas na agos ng tubig sa garahe. Nang taluntunin ko ang pinagmulan nito, aba, tumatagas - bumubulwak - na pala ang tubig sa linya namin sa labas. Nabutas pala ang tubo namin na kinain na ng kalawang. Nagmadali kaming mag-asawa at ginising si Papa sa kabilang bahay. Gamit ang maso niya, winasak namin ang mga nakasementong bahagi ng harapan ng bahay, at hinukay ang lupa para matalunton ang pinagmumulan ng daloy. Sabihin pa, natuloy ang paliligo ko. Hindi nga lang sa shower sa banyo, kundi sa bulwak ng tumatagas na tubig sa labas. Nagpatulong din kami sa mga kapitbahay na namamahala sa mga konstruksiyon sa loob ng subdivision. Sa tulong nila, naisara namin nang kaunti ang main line ng tubig s...