Mag-uumaga na; tamang-tama lang ang pagdating namin sa Sunken Garden, na nabalitaan naming bukas na para sa mga mananakbo at mga gustong mag-ehersisyo. Hindi naman kami tatakbo; maglalakad-lakad lang, para matagtag ang katawan nang kaunti. Ang totoo, mas inaabangan pa nga namin ang pagkain sa Rodics pagkatapos ng makailang pag-iikut-ikot. Pero ang oras ng pagdating namin ay natapat naman sa pasimula ng pagsikat ng araw. Sa aming paglalakad, unti-unti nang lumiliwanag ang paligid mula sa mga butil ng gintong araw na tumatagos mula sa mga dahon. Hindi na lang tuloy paglalakad (at almusal) ang ginawa namin. Gamit ang mga cellphone camera (tig-dalawa kaming mag-asawa, at magkakaibang mga modelo at may-gawa pa), kumuha kami ng mga litrato ng mga kapaligiran, iniiwasan ang pailan-ilang mga mananakbo at mga pamilyang nahahagip ng frame. Ang pagbubukang-liwayway sa Sunken Garden. Ang tila isang dambuhalang alon ng liwanag ay binabasag ng mga dahon at sanga ng mayayabong na pu...